Muling ipinagdiwang sa Paaralang Claret ng Lungsod Quezon ang Buwan ng Wika at Kasaysayan ngayong buwan ng Agosto 12-20 bilang paggunita sa pagpapahalaga sa wika at kasaysayan ng ating bansa. Lumahok ang buong pamayanan sa iba’t ibang gawaing nagpupugay sa ating sariling wika at nagbibigay halaga sa mga aral ng kasaysayan.
Nakikiisa ang Paaralang Claret ng Lungsod Quezon sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan sa buong bansa. Ngayong taong 2024, binibigyang diin sa Buwan ng Wika ang temang “Filipino: Wikang Mapagpalaya” at ang temang “Salaysay ng Bayan, Saysay ng Bansa” naman ang pinahahalagahan para sa Buwan ng Kasaysayan. Ang pagdiriwang na ito ay naglalayong mapalakas, mapanatili at mapalaganap sa bawat mag-aaral ang pagyakap sa wikang Filipino bilang instrumento ng kalayaan, at pagpapalalim sa kahalagahan ng kasaysayan ating buhay bilang bahagi ng ating pagkakakilanlan.
Nagbukas ang pagdiriwang noong ika-12 ng Agosto kung kailan nagsimula sa pangkatang pagtitipon ng mga mag-aaral upang maipabatid ang kahulugan ng tema ng mga pagdiriwang. Kasabay nito, nagsimula rin ang mga gawaing tulad ng pagpapatugtog ng awiting Pilipino sa umaga, panananalangin sa wikang Filipino, at iba’t ibang gawaing panlebel sa tulong ng mga guro sa Araling Panlipunan at Filipino. Kasama sa naging pagdiriwang ang Piyestagisan kung saan nagtimpalak ang bawat klaster sa pagpapalamuti ng mga pasilyo ayon sa kanilang nabunot na kapistahan. Sa ganitong paraan, nagkaroon ng paggunita ang mga mag-aaral sa masasaya at makukulay na pista ng bansa. Kasabay nito, nagkaroon ng Tagis Talino ang mga mag-aaral kung saan hinamon sila tungkol sa kanilang husay at galing sa pagsagot ng mga tanong sa Araling Panlipunan at Filipino. Noong ika-20 ng Agosto, nagwakas ang pagdiriwang sa isang pampamayanang gawain kung saan ang lahat ng mga kawani, guro at mag-aaral ay nagsuot ng mga kasuotang Pilipino upang mapamalas ang pagkakakilanlang kultural nating mga Pilipino. Sa muling pagbabalik, nagkaroon rin ng pagkakataon ang mga mag-aaral na maglaro ng mga larong Pinoy sa Laro ng Lahi kung saan naglaro ang mga mag-aaral sa mababang paaralan sa pangunguna ng mga mag-aaral mula sa mataas na paaralan. Sa pagwawakas, nagsalusalo ang bawat seksyon sa kanilang pagdadala ng mga masasarap na pagkaing Pinoy. Nagtapat ang mga nagwagi sa bawat seksyon para sa Tagis Talino Finals at itinanghal ang nanalong klaster sa timpalak ng Piyestagisan.
Ang Paaralang Claret ng Lungsod Quezon ay bahagi ng buong bansa na patuloy na nagbibigay parangal sa pamanang wika, kultura at kasaysayan ng mga Pilipino. Ang pagdiriwang na ito ay tanda ng ating patuloy na pagmamahal sa ating sariling wika at kultura. Patunay ang mga mag-aaral na malikhaing ipinamalas ang kanilang kaalaman, kakayahan at damdamin sa pagpapaunlad ng wika at kultura sa kabila ng mga hamon at suliraning panlipunan na nararanasan natin ngayon. Nawa’y sa pamamagitan ng mga pagkakataong ito, mas mapalalim pa ng bawat mag-aaral ang kanilang pagtanggap at pagbibigay halaga sa wikang Filipino at ng ating bansang Pilipinas.
Mabuhay ang Wikang Filipino! Mabuhay tayong mga Pilipino! #ScientiaMaximeCumVirtute