MENSAHE SA PAGDIRIWANG NG
BUWAN NG WIKA AT KASAYSAYAN
________________________________________________________
Sa ating pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan, ipinababatid sa ating lahat ang diwa ng pagiging Pilipino na may kasarinlan o kalayaan at pagkakaroon ng dignidad bilang mamamayang may pananagutan sa sambayanan. Hindi tayo nabubuhay bilang mga Pilipino na walang ugnayan o walang pakikibahagi sa isa’t isa. Kaakibat ng diwa ng tunay na kalayaan at dignidad ay ang pagtulong at pagkalinga sa kapwa. Sa panahon lalong-lalo na ng trahedya at pandemya, alam natin na hindi tayo pwedeng mabuhay bilang Pilipino kung hindi natin kayang isaalang-alang ang kapakanan ng ating kapwa. Ang pagtataguyod ng isang lipunan na may likas na pagtulong, gaya sa mga karanasan ng “community pantry” ay pagpapatunay ng pagka-Pilipino na naglalakbay sa diwa ng bayanihan. Ang gawaing naayon sa diwa ng habag at awa ay bunga ng isang pusong malaya.
Subalit, hindi lamang sa taos-pusong pagtulong makikita ang diwa ng kalayaan. Kailangan din nating manindigan sa paglaban o pagtugis sa hindi tama, sa hindi totoo, sa hindi makatarungan. Hindi lingid sa ating kamalayan ang mga karanasang mapang-api hindi lamang hudyat ng mga dayuhan kundi ng ating kapwa Pilipino. Nawa’y labanan natin ang bawat gawain o hakbangin na mapang-api sa dignidad ng bawat Pilipino. Hangga’t naroroon ang pananahimik o pagtatakip o pagwawalang-bahala sa gitna ng karahasan, o sa gitna ng kasinungalingan, o sa gitna ng hindi tamang gawain, mananaig ang masama at mawawalan nang saysay ang kalayaan para sa tunay at tamang pag-iisip. Huwag nating hayaang masira ang ating maka-Pilipinong pag-iisip sa mga gawain ng mga taong mapanlinlang at hindi sumasang-ayon sa dapat.
Sa paglipas ng bawat araw, sumikat nawa ang tunay na liwanag sa gitna ng kadiliman. Sa bawat siklab ng kaliwanagan, mag-alab nawa ang tunay na diwa ng kalayaan sa pagbabalik-tanaw sa mga aral ng kasaysayan at sa paghubog ng bagong bukas gamit ang lakas at pag-iisip ng isang tunay na Pilipinong tapat sa lipunan, sa bansa at sa Poong Maykapal.
Tayo’y mga Pilipino! Ang alab ng ating mga puso ay para sa totoong kalayaan— pagtulong sa kapwa at paglaban sa kamalian.
Mabuhay tayong lahat!