Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan, ang Child Study Center ay nagkaroon ng payak ngunit makabuluhang selebrasyon noong ika-24 ng Agosto, 2018. Ang tema ng taunang pagdiriwang ay “Filipino: Wika ng Saliksik”. Sa tulong ng kanilang mga magulang at bunga ng pananaliksik, nakabuo sila ng malilikhain at magagandang proyekto at makukulay na kasuotan ayon sa itinalagang pambansang sagisag na kanilang ipinakita sa araw na ito.

Nagsimula ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang parada sa loob ng paaralan. Nagkaroon din ng maikling palatuntunan kung saan ang mga mag-aaral ay nagtanghal ng sayaw, awit, at tula. Binigyang-diin sa palatuntunan ang pagkilala kay Pang. Manuel Luis Quezon bilang Ama ng Wikang Pambansa. Kinilala rin ang kagitingan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Bago matapos ang araw ng selebrasyon, nagtipon ang mga mag-aaral sa kani-kanilang silid-aralan upang makibahagi sa isang salusalo ng mga pagkaing Pilipino.

Inaasahan na sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ay maganyak ang mga mag-aaral sa aktibong pakikilahok upang pahalagahan ang wikang pambansa. 

 

 

 

Claret School of Quezon City | Mahinhin St., UP Village, Diliman, Quezon City | 921-7555 | 921-7554 | 921-6472 | 921-6471 | 921-6617 | 921-7316 | 921-7399 | Registrar's Local: 264, 237, 210, 221